Purisima kinasuhan sa Mamasapano
MANILA, Philippines – Kinasuhan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Ombudsman si dating PNP Chief Alan Purisima kaugnay ng madugong Mamasapano incident noong nagdaang taon.
Sa pitong pahinang reklamo, sinabi nina VACC chairman Dante Jimenez at Atty. Ferdinand Topacio, dapat maimbestigahan si Purisima sa kasong usurpation of official functions na nasasaad sa ilalim ng Article 177 of the Revised Penal Code (RPC) kaugnay ng insidente.
Ang kaso ay nag-ugat sa umanoy pakikiisa ni Purisima sa pagpaplano at pagpapatupad ng operasyon ng PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano Maguindanao noong Enero 25, 2015 na tinawag na Oplan Exodus para lansagin ang mga high-profile terrorists kabilang na si Malaysian bomb maker Zulkifli bin Hir alias Marwan.
Anila, noong panahong iyon, nasa preventive suspension si Purisima matapos suspendihin ng Ombudsman upang bigyang daan ang imbestigasyon sa kasong graft na naisampa dito may kinalaman sa maanomalyang PNP contract sa isang courier company.
Ayon sa VACC ,dalawang beses nagkasala sa batas si Purisima, una noong makiisa ito sa briefing tungkol sa Oplan Exodus sa Malakanyang noong Enero 9, 2015 at ang palitan nila ng text messages ni Pangulong Noynoy Aquino at ilang military officials noong panahon ng actual implementation ng operasyon.
- Latest