MANILA, Philippines – Kapwa bangkay na nang matagpuan ang isang Pranses, misis nitong Pinay at kanilang 4-anyos anak na batang lalaki sa loob ng kanilang nakaparadang sasakyan na tadtad ng mga tama ng bala sa tabi ng national highway Narra, Palawan kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jean Marc Messina, 54, French national, misis nitong si Jewelyn Emscel Venturillo Messina, 25 at anak nilang si Guliano Steffal.
Ang bangkay ni Jean Marc ay natagpuan sa driver seat habang nakasalampak naman sa tabi ng pinto sa ibaba ng upuan ang anak na si Guliano at ang misis ay nasa likod naman ng sasakyan.
Batay sa ulat, bandang alas-8:15 ng umaga nang madiskubre ni David Yagos Agsibit, guro sa pampublikong paaralan ang bangkay ng pamilya sa loob ng isang kulay puting pick-up Nissan Navarra NP 300 na may temporary plate number VS 5972.
Ayon naman kay Supt. Imelda Tolentino, Spokesperson ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ang mag-anak ay natukoy na residente ng Princesa Subdivision, Wescom Road, Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City, Palawan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ilang araw ng nakaparada ang nasabing behikulo sa nasabing lugar na kung saan ay dito nagbubuhat ang masangsang na amoy.
Kaya nilapitan at sinilip ito ni Agsibit at laking gulat nang makita ang mga bangkay sa loob ng behikulo kaya’t agad inireport sa pulisya.