Mag-inang kidnaper nasakote, 7 kabataan, nailigtas
MANILA, Philippines – Nasakote ng mga otoridad ang isang mag-inang kidnaper at nailigtas ang 7 tinedyer na kinidnap ng mga ito sa isinagawang rescue operations sa Alaminos City, Pangasinan kamakalawa ng hapon.
Ang mga nasagip na biktima ay kinilalang sina Ailyn Opolinto, 14; Sabrina Cabanban,16; Wennilyn Humilde, 14; Rubilyn Villanueva, 16; pawang ng Bani, Pangasinan; Jerome Soriano, 16; Jhomar Ken Radoc, 17 at Mark Christopher Cerdan, 17.
Naaresto naman ang mga suspek na sina Christina Reyes, 46 at anak nitong si Christian Reyes, 22; pawang residente ng Brgy. San Roque, Alaminos City.
Batay sa ulat, bago nasagip bandang alas-2:00 ng hapon ng mga elemento ng Alaminos City Police sa Brgy. Pogo ng nasabing lungsod ang pitong kabataan ay dumulog sa pulisya sina Beberly Villanueva, 37; at Mary Ann Soriano, 40; pawang mga magulang ng dalawa sa mga biktima at iniulat ang pagkawala ng kanilang mga anak simula pa noong Enero 23 ng taong ito.
Nang salakayin ng mga otoridad ang pinagtataguan sa mga biktima ay nadiskubreng nakakulong sa cabinet ang mga biktimang sina Rubilyn, Jhomar Ken at Mark Christopher habang ang apat pa ay nakakulong naman sa loob ng silid.
Hinihinala namang gagamitin ng mga suspek ang mga biktima sa illegal ng mga itong aktibidades tulad sa porno sa website o cybersex na ang mga kustomer ay mga dayuhan at iba pa.
Nakakulong na ang mag-ina na nahaharap sa kasong serious illegal detention.
- Latest