SUV bumaliktad: 3 todas

Dalawa ang namatay dito sa loob ng Innova habang patay naman ang driver ng Hi-Ace van na sumalpok dito naganap sa Daang Hari Road, Brgy. Molino IV, Bacoor City, Cavite. Photo courtesy of JC Ka­lakas

MANILA, Philippines – Tatlo katao ang nasawi  kabilang ang isang 3-anyos na batang lalaki  habang apat pa ang malubhang nasugatan matapos bumaliktad ang sinasakyan nilang sports utility vehicle at nasalpok pa ng isang van kamakalawa sa kahabaan ng Daang Hari Road, Brgy. Molino IV, Bacoor City, Cavite.

Kinilala ang mga nasawi na sina Choe Mc Enzie Abcede, 3; yaya nitong si Brenda Diolon, 22  at Francisco Mabuhay Anino Jr., 48, driver ng Hi Ace van, residente ng Blk 6, Lot 16 Phase 3. Mabuhay Homes, Dasmariñas City, Cavite.

Ang mga nasugatan ay ang mga magulang ng bata na nakilalang sina Mark Rebanal Abcede, 35, misis nitong si Rochelle, 33; at ang mag-asawang Nestor at Elizabeth Ortigosa.

Sa ulat, naitala ang sakuna bandang alas-3:00 ng hapon habang mabilis umanong bumabagtas ang kulay pulang Innova (AAY-62690) na sinasakyan ng mga Abcede at Diolon sa nasabing lugar nang aksidenteng bumaliktad ito nang sumabog ang kaliwang gulong.

Gumulong ito ng ilang beses na siya namang pagdating ng Hi-Ace van (RNX-929) na minamaneho ni Anino na nasa kabilang linya at nasalpok ito.

Nabatid na ang Innova na sinasakyan ng mga Abcede ay patungong Molino Boulevard habang ang van ay patungo naman sa direksyon ng Alabang nang maganap ang aksidente.

Show comments