MANILA, Philippines – Nagpalabas ng P.2 milyong reward money ang pamahalaang Malabon para mapabilis ang pagresolba sa pamamaslang kay Councilor Melvin Mañalac na bahagi ng Pusong Malabon party ni Mayor Antolin Oreta na sumusuporta sa Liberal Party.
Samantala, masusing iniimbestigahan ang lumalabas na ulat na ang makakaliwang grupong Partisano-Armadong Operatiba ng Partido Marxista-Leninista ng Pilipinas ang nasa likod ng pamamaslang sa konsehal.
Sa iniwang leaflets ng gunmen, sinasabi ng grupo na paghihiganti ang pamamaslang kay Mañalac sa pagpatay naman noong 2010 kay Peter Villaseñor na isang rebeldeng New People’s Army (NPA).
Sa tala ng pulisya, si Mañalac na kandidato sa ikalawang distrito bilang councilor bet sa ilalim ng LP ay niratrat dakong alas-3:50 ng hapon noong Sabado sa Barangay Tinajeros habang patungo sa pagtitipon sa Brgy. Tonsuya.
Isa rin sa sinisilip na anggulo ay politika ang mahigpit na labanan sa lokal na eleksyon sa Mayo.