Libong pulis ipapakalat sa Metro Manila
MANILA, Philippines – Magpapakalat ng karagdaang libong pulis partikular na sa Metro Manila ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng idineklarang nationwide full alert status matapos ang terror attack sa Jakarta, Indonesia noong Huwebes.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, ang hakbang ng PNP ay bahagi lamang ng protocol kapag may nangyayaring mga insidente ng karahasan o aktibidad ng mga terorista sa ibang bansa.
Magugunita na noong Huwebes ay niyanig ng serye ng pambobomba ang downtown ng Jakarta, Indonesia na ikinasawi ng pito katao kabilang ang isang pulis, limang terorista at isang Canadian national habang 17 pa ang nasugatan na ang isa ay Dutchman na nagtratrabaho sa United Nations Enviromental Program.
Sa text message naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Joel Pagdilao, sinabi nito na palalakasin pa ang security operations sa mga malls sa Metro Manila kung saan ay nakikipagkoordinasyon na sila sa mga pamunuan nito.
- Latest