MANILA, Philippines – Inihayag ni Isabela Rep. Rodolfo Albano na maraming nadismaya sa naging desisyon ni Pangulong Noynoy Aquino na magbu-boomerang sa mga manok nito pagdating sa halalan sa 2016 tulad ni LP presidential bet Mar Roxas na iniendorso nito na posibleng maapektuhan sa magaganap na 2016 elections.
Si Roxas ay lagi nang kulelat sa mga nagdaang presidential surveys na posibleng lalong maapektuhan dahil sa pag-veto ni Pangulong Aquino sa panukalang P2,000 increase sa pension ng Social Security System kada buwan na pakikinabangan sana ng nasa 1.9 milyong pensioners at pamilya ng mga ito.
Para naman kay Leyte Rep. Martin Romualdez, na sinayang ng Pangulo na makapag-iwan ng magandang legacy bago ito bumaba sa pwesto.
Ito rin ang paniniwala ni Senator Cynthia Villar na maapektuhan ang mga kandidato ng administrasyon dahil sa ginawang pag-veto.
Si Villar ay isa sa mga nagsulong ng panukala sa Senado, na nagulat at nalungkot dahil sa naging desisyon ng Pangulo na ipinalabas isang araw bago maging ganap na batas sana ang panukala.
Naniniwala si Villar na kayang gawan ng paraan ng SSS ang pangamba ng Pangulo na maaring maapektuhan ang pondo kung ipapatupad ang P2,000 increase sa pension.
Aminado si Villar na masyado ng maikli ang panahon para sa posibilidad na i-override ng Kongreso ang ginawang pag-veto ni PNoy dahil tatlong linggo na lamang ang natitira bago muling magbakasyon ng Kongreso.
Tinawag naman ni Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares na siyang pangunahing may akda ng House Bill 5842 na walang puso si P-Noy na maituturing na anti-pensioner, anti-poor at anti-worker.
Anya,”justifiable, reasonable at feasible” ang panukalang pagdadagdag ng dalawang libong piso sa pensyon ng mga retiradong SSS members dahil bukod sa mga pensioners ay labis din itong kailangan ng kanilang mga dependents.