MANILA, Philippines – Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang apat na preso na nakapuga mula sa himpilan ng pulisya sa Lipa City, Batangas kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Batangas PNP Director P/Senior Supt Arcadio Ronquillo na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga pugante na sina Alvin Masupil, 27; Jonathan Jimenez, 23; Marvin Inciong, 33; at si Rommel Endaya , 27.
Kasabay nito, agad namang isinalang sa imbestigasyon at ipinasibak na sa puwesto ang mga duty officers kaugnay ng kapabayaan sa tungkulin o infidelity in the custody of detention prisoners na sina P/Senior Insp. Domingo Balesteros Jr., officer of the day; SPO2 Cleofe Peña, senior duty police non-commissioned officer; PO2 Jayson Luna, desk officer; at si PO1 Daniel Cascante, duty jailer.
Iniimbestigahan din sa kaso ng command responsibility ang hepe ng Lipa City PNP na si P/Senor Supt. Barnard Danie Dasugo.
Nabatid na nakarinig ng mga kalampag mula sa kisame ng piitan ang duty desk officer na si PO2 Luna bandang alas-2:10 ng madaling araw
Upang makasiguro ay inusisa ni PO2 Luna ang likuran ng piitan at dito niya nakita ang presong si Tommy “Balawis” Candor na tumalon mula sa kisame ng selda.
Agad namang humingi ng tulong sa mga kasamahang pulis si PO2 Luna kaya nasakote si Balawis.
Sa kabuuang 40 preso sa detention cell ng Lipa City PNP ay nadiskubreng apat sa mga ito ang nakatakas.
Lumitaw naman sa imbestigasyon na gumawa ng butas sa kisame ng selda ang mga preso at nagtali ng kumot paakyat na ginamit sa pagtakas.