Chokepoint, checkpoints ilalatag... gun ban simula ngayon
MANILA, Philippines – Ngayong araw na ang simula ng gun ban na mahigpit na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng gaganaping national elections sa Mayo.
Kaya muling ipinaalala ni PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez, bawal na ang pagdadala ng baril at sinumang lalabag dito ay aarestuhin.
Alinsunod sa gun ban kanselado muna ang lahat ng Permit To Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR).
Tanging ang mga naka-duty na mga pulis, sundalo at iba pang law enforcement agencies na nakasuot ng kumpletong uniporme ang pinahihintulutang magdala ng baril.
Itinakda ang gun ban simula alas-12:01 ng madaling araw ng Enero 10 na tatagal hanggang Hunyo 8, o isang buwan matapos ang May 9 national elections.
Sinabi rin ni Marquez na asahan na ang paglalatag ng chokepoints at checkpoints sa mga kritikal o istratehikong lugar ngayong nalalapit na ang halalan.
Pinaalalahanan ni Marquez ang kapulisan na maging ‘apolitical’ o walang kinikilingang kandidato sa panahon ng eleksyon at tinagubilan ang mga miyembro na ipamalas ang propesyonalismo at dedikasyon ng mga pulis upang matiyak ang SAFE (Safe and Fair Elections) 2016.
- Latest