MANILA, Philippines – Nailigtas ng mga otoridad sa Malaysia ang 158 Pinoy matapos na aksidenteng lumubog ang sinasakyan nilang ferry boat mula sa Tawi-Tawi nang bumangga sa isang batel sa bahagi ng karagatan ng Bumbum Island, Semporna, Sabah, Malaysia kamakalawa.
Ayon kay Major Felimon Tan, Spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, naganap ang insidente sa bahagi ng nasabing karagatan bandang alas-8:30 ng gabi.
Nabatid na dakong alas-2:00 ng hapon nang umalis ang M/V Juhari, na gawa sa kahoy sa pier ng Bongao, Tawi-Tawi patungong Semporna, Malaysia.
Ang nasabing ferry boat na nakarehistro sa Malaysia ay sumalpok sa isang batel habang naglalayag sa bahagi ng nasabing karagatan at lumubog.
Mabilis na nakaresponde ang mga otoridad ng Malaysia at nasagip ang mga Pinoy.