MANILA, Philippines – Naghahanda na ang pamahalaan at Japanese community sa inaasahang pagdating ng Emperor at Empress ng Japan para sa 5-araw na opisyal na pagbisita ngayong Enero.
Si Japanese Emperor Akihito at maybahay na si Empress Michiko ay nakatakdang dumating sa Pilipinas sa Enero 26 para sa state visit, ayon sa nakalap na ulat sa Japan news at Japanese community na nakabase sa Manila.
Bahagi sa limang araw na pagbisita, ang Japanese Emperor at Empress ay magko-courtesy call kay Pangulong Benigno Aquino III.
Una nang inianunsyo ng Palasyo ang nasabing state visit matapos ang matagal nang imbitasyon ni Pangulong Aquino sa Japanese Emperor na layunin na lalong mapalalim at mapatatag ang bilateral relations ng Pilipinas sa Japan.
Habang nasa Manila, isang welcoming ceremony ang isasagawa sa Rizal Park sa Manila at mag-aalay ng bulaklak sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa rebulto ni Dr. Jose Rizal.
Magtutungo rin sila sa Heroes Cemetery sa Taguig City upang mag-alay ng bulaklak sa mga sundalong Pinoy at Hapones na nagbuwis ng buhay noong World War II at Vietnam War.
Bibisitahin din ang monumento para sa mga napatay na sundalong Japanese noong digmaan sa Caliraya, Laguna na dadaluhan ng mga kaanak ng mga nakalibing. Sa tala, may 520, 000 Hapones ang namatay sa Pilipinas noong World War II, ang pinakamalaking bilang na napaslang sa labas ng kanilang bansa.
Nabatid na dadalo rin ang Imperial Couple sa ika-60 anibersaryo sa pagpapanumbalik ng diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Noong Hunyo, 2015 bumisita si Pangulong Aquino sa Japan kung saan mainit siyang tinanggap ng Japanese Emperor at ginawaran siya ng pinakamataas na pagkilala, ang Grand Gordon ng Supreme Order of the Chrysanthemum. Binigyan naman ng Pangulo ang Emperor ng Order Lakandula Grand Collar (Supremo) bilang pagkilala sa mga naging kontribusyon nito sa pagpapatatag ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan.