Pulis pinasukan ng baril ang ilong ng binata

MANILA, Philippines – Nagsampa ng reklamo sa Manila Police District-General Assignment and Investigation ang isang 21-anyos na binata na si John Christian Bautista laban sa isang pulis na nagpasok ng baril sa kanyang ilong na na­ging dahilan para mahiwa ang kaliwang bahagi nito naganap kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.

Ang suspek ay kinilalang si Ken Mamerto na isa umanong pulis na hindi pa tukoy kung saan ito nakadestino.

Sa salaysay ng biktima na kasama niya ang kaibigang si James Jerome Bacani nang makasalubong ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklo at paglapit ay binatukan siya nito.

Hindi pumalag ang dalawa at naglakad pa rin subalit sinundan pa sila at itinutok sa ilong ang baril ng madiin kaya umano nasugatan ang biktima.

Nakatakdang ipatawag ang nasabing suspek, subalit kailangan pa umanong iberipika kung ito ay talagang miyembro ng Philippine National Police at saan nakadestino para sa ipadadalang summon.

 

Show comments