MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P 242.12-M halaga ng mga heavy equiptments at produkto ang nawala o nalugi sa mga negosyante sa Eastern Mindanao dahilan sa serye ng mga pag-atake at pangha-harass ng mga nangingikil ng revolutionary tax na mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Ito ang inihayag kahapon ni Captain Alberto Caber, Spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command (AFP-Eastmincom) base sa kanilang year end report sa pagtatapos ng taong 2015.
Ang pinsala ay mula sa sinabotahe o sinilabang mga construction equiptment na nagsasagawa ng proyekto sa Eastern Mindanao Region at produktong agrikultura tulad ng mga saging at pinya mula sa mga farm ng multi-national companies na ni-raid ng mga rebelde.
Kabilang sa mga nawasak ay kabuuang P34.71-M sa unang bahagi ng 2015; P34.58 sa ikalawang yugto ng taon; P92.72 M sa ikatlong quarter at P 84.11-M naman mula Oktubre hanggang Disyembre.
Ang mga pag-atake at iba pang mga karahasang kinasangkutan ng NPA rebels ay nakaapekto sa progreso ng rehiyon gayundin sa kabuhayan ng mga residente.
Dahilan sa mga pag-atake ng NPA rebels partikular na sa mga kumpanya at mga farm ng mga negosyante ay inatasan ang mga sundalo na pag-ibayuhin pa ang seguridad sa pagbabanta sa mga negosyo sa rehiyon gayundin sa mga proyekto at mga pangunahing industriya at hinikayat ang mga trader na i-report ang pangingikil ng revolutionary tax ng mga rebeldeng komunista upang agad itong maaksyunan ng mga sundalo.