MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine National Police (PNP) kahapon na pumalo na sa anim na katao ang biktima ng ligaw na bala kaugnay ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa bansa.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt Wilben Mayor, apat pa ang nadagdag sa talaan ng mga biktima simula ng ipatupad ang “Ligtas Paskuhan 2015” noong Disyembre 16 hanggang sa kasalukuyan.
Ang Ligtas Paskuhan 2015 ng PNP alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez ay tatagal hanggang Enero 5 ng susunod na taon.
Kabilang sa mga nadagdag sa talaan ng biktima ng ligaw na bala ay sina Eric del Mundo, 44, na tinamaan sa kaliwang hita sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City noong Disyembre 22; Ronald Paquinto, 21, tinamaan ng ligaw na bala sa likod sa Ermita, Manila noong Disyembre 25; Ryan Aspa, 32 ng General Trias, Cavite, tinamaan sa kaliwang bukong-bukong noong Araw ng Pasko at Danilo Apulidar na tinamaan sa kaliwang hita.
Una nang iniulat ng PNP na dalawa ang biktima ng stray bullet kaugnay ng kanilang monitoring na sina Calsum Henio, 3, tinamaan sa tiyan sa Sirawai, Zamboanga del Norte noong Disyembre 16 at Hawati Hanapi, 50, na tinamaan sa kaliwang hita noong Disyembre 20.