BIFF attack: 8 sibilyan utas
MANILA, Philippines – Walong sibilyan ang nasawi nang umatake at pagbabarilin ng nasa 200 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kamakalawa ng madaling araw sa Brgy. Kauran, Ampatuan, Maguindanao.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Mario Sito Estoque; Inpi Bakais; Mark Anthony Timpla; Bernard Ibagatl; Mario Estonte; Julian Angelo Genilza; Gerry Alsagar; at Teodolfo Cabaylo kapwa nasa hustong gulang.
Sa salaysay ng isang Rommel Rodriguez, kagawad ng Barangay Kauran ng nasabing bayan na unang hinaras ng BIFF na pinamumunuan nina Kumander Alon at Kumander Samad dakong alas-3:00 ng madaling araw ang detachment ng 33rd IB Philippine Army sa Brgy. Banaba Datu Abdullah Sangki, Maguindanao na kasalukuyan ay hindi pa nila alam kung mayroong nasawi o nasugatan doon.
Matapos nito ay napadaan ang mga bandido sa isang kumunidad sa Barangay Paitan at dito namaril ng mga sibilyan na kung saan nasawi sina Estoque; Bakais; Timpla; Ibagat; at Estonte na pawang sa ulo ang mga tama.
Nabatid na ang lima ay pawang magsasaka na papunta lang sana sa bukid para magsabog ng pataba.
Ayon kay Capt. Joan Petinglay, tagapagsalita ng Army 6th Infantry Division, binalaan na ang lima ukol sa kasalukuyang bakbakan pero nagpumilit pa rin ang mga ito na magpunta kaya’t nasapol ng mga bala.
Ayon naman kay Supt. Rienante Cabico, tagapagsalita ng Sultan Kudarat PNP na tinangay rin ng mga bandido ang limang sibilyan na sina Alsagar, misis nitong si Salome, anak na si Jayson; Julian Angelo Genilza; at Teodolfo Cabaylo.
Pinatay ang tatlo maliban kina Salome at anak na si Jayson na nakitang takot na takot na nagtatago sa kanilang bahay.
- Latest