MANILA, Philippines – Dahil sa umano’y pagkakaroon ng selective justice ay binatikos ng abogado ni Camarines Norte Governor Edgardo Tallado ang tanggapan ng Ombudsman.
Inihayag sa pulong balitaan sa QC ni Atty. Adan Marcelo Botor, abogado ni Gov. Tallado na sinuspendi ng Ombudsman ang kanyang kliyente dahil sa paglabag sa kautusan ng Civil Service Commission na ibalik sa puwesto ang tinanggal na provincial veterinarian.
Ikinumpara ni Botor ang kaso ng kanyang kliyente at ang kaso ni Capiz Gov. Victor Tanco na nagawang baliktarin ng Ombudsman ang desisyon na una nang tinanggal sa puwesto.
Mas mabigat umano ang kaso ni Tanco dahil extortion ang kaso nito ngunit nabaligtad ang desisyon gamit na basehan ang Aguinaldo Doctrine.
Batay sa Section 1 Article 4 Paragraph 2 ng Aguinaldo Doctrine, ang dalawang indibidwal na nahaharap sa magkahalintulad na usapin ay hindi maaring patawan ng magkaibang kaparusahan.