MANILA, Philippines – Posibleng matanggal ang pangalan ni Senator Grace Poe sa balota, isa sa mga kandidato sa pagkapangulo sa May 2016 elections kung mabibigo ang kampo nito na makakuha ng temporary restraining order mula sa Supreme Court.
Ito ang inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon dahil batay sa Comelec rules ay kailangan na makakuha ng TRO ang kampo ni Poe sa loob ng limang araw matapos ang paghahain ng petisyon sa SC.
Kinuwestiyon naman ni Atty. George Garcia, legal counsel ni Poe ang paglalabas ng desisyon kung saan itinaon ito ng Pasko dahil maisasampa lamang nila ang kanilang apela sa Lunes.
Idudulog ng kampo ni Poe sa SC ang kanilang apela sa disqualification cases matapos na ibasura ng Comelec ang motions for reconsideration na inihain ng senador na baligtarin ang desisyon ng first at second division ng Comelec na nagkakasela ng certificate of candidacy (COC) nito sa pagkapangulo.
Limang miyembro ng en banc ang bumoto upang ibasura ang MR nito habang dalawa naman ang nagbigay ng dissenting opinion.
Kabilang sa mga dissented ay sina Comelec Chairman Andres Bautista at Commissioner Christian Robert Lim.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo nina Atty. Estrella Elamparo, dating senator Kit Tatad, dean Amado Valdez at professor Antonio Contreras.
Sa diskuwalipikasyon naman sa second division na inihain ni Elamparo, dissented din si Bautista habang limang commissioner naman ang bumoto laban sa kahilingan ni Poe at nag-inhibit si Lim.
Ang final list ng mga kandidato ay malalaman sa Enero 18 hanggang 20, habang ang pag-imprenta ng mga balota ay gagawin sa Enero 26 at hindi na maaaring magdagdag ng pangalan ng kandidato sa sandaling maaprubahan ng Comelec en banc ang balota.