MANILA, Philippines – Pinaniniwalaan na ang pag-ulan at malamig na panahon ang nagpalala sa taglay na sakit na tuberculosis ng dalawang palaboy na kapwa sumuka ng dugo bago namatay sa kalye sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.
Sa ulat ng pulisya, isang alyas Joel Punzalan, 50-anyos ang napansin na hindi na gumagalaw sa bahagi ng Luneta Park alas-5:00 ng hapon kamakalawa.
Bago ito ay napansin ng isang concerned citizen na namumutla sa tindi ng pag-ubo ang biktima kaya pinalipat ito sa lugar na maari siyang makapagpahinga hanggang sa mapansin na lamang na hindi na humihinga at kalat ang dugo sa tabi na hinihinalang isinuka nito.
Samantala, isang pang lalaki na nasa 58-65 anyos, na tadtad ng tattoo ang katawan na nakita ring sumusuka ng dugo sa underpass sa tabi ng Quiapo Church alas-8:05 ng gabi kamakalawa.
Isinugod ang biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC), pero idineklara itong dead on arrival.
Natutulog lamang umano sa gilid ng mga kalye ang dalawang sinasabing palaboy kaya posibleng nagdanas ito ng ginaw at gutom.