MANILA, Philippines – Pumalo na sa 34 katao ang nasawi sa pagragasa ng bagyong Nona at umaabot naman sa P1.9 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan sa agrikultura at imprastraktura sa mga naapektuhang lugar sa bansa.
Sa ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, pinakamaraming naitalang nasawi sa Region IV-B (MIMAROPA) Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan na umabot sa 13 katao ; Region IV-A CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon); Bicol Region at maging sa Region VIII o Eastern Visayas.
Patuloy ang clearing operations sa mga highway at tulay na hindi madaanan sanhi ng nabuwal na mga poste ng kuryente, punongkahoy gayundin sanhi ng landslide at mga pagbaha.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang opisyal sa mamamayan na manatiling alerto sanhi ng rainfall alert warning ng weather bureau na dala ng Low Pressure Area (LPA ) at amihan na nagbabadya ng malalakas pang mga pag-ulan.
Naitala naman sa 165,554 pamilya o kabuuang 742,991 katao ang naapektuhan sa preemptive evacuation sanhi ng bagyong Nona at Onyok.
Si Onyok ay nalusaw na at naging Low Pressure Area (LPA) na lamang matapos na tumama sa kalupaan ng Manay, Davao Oriental noong Biyernes pero nagdudulot pa rin ito ng malalakas na pag-ulan.
Sa nasabing bilang nananatili pa sa evacuation centers ang aabot sa 140,000 katao na naapektuhan ng bagyong Nona.
Sinabi ng opisyal na tumaas na rin sa P1.9 bilyon ang pinsala ni Nona sa agrikultura at imprastraktura habang nasa 166,552 namang mga kabahayan ang nawasak.