Dahil sinampal ang ka-live in... tatay pinalakol ng anak

Batay sa imbestigasyon, bago nangyari ang krimen dakong alas-10:20 ng gabi ay nagkukuwentuhan ang suspek at live in nito na si Shiela Iglesia nang dumating ang ama na lasing sa alak at walang sabi-sabing sampalin at batukan si Shiela. STAR/File photo

MANILA, Philippines – Pinalakol ng anak ang sariling ama sa mukha at dibdib matapos na sampalin at batukan nito ang kanyang live in partner habang sila ay nagkukuwentuhan na naganap kamakalawa ng gabi sa Sitio Tobog, Barangay Lourdes, Buhi, Camarines Sur.

Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Domingo Alumbro, nasa hustong gulang.

Habang ang suspek na nadakip ng mga barangay opisyal ay kinilalang si Romeo Alumbro, 21, residente ng naturang barangay.

Batay sa imbestigasyon, bago nangyari ang krimen dakong alas-10:20 ng gabi ay nagkukuwentuhan ang suspek at live in nito na si Shiela Iglesia nang dumating ang ama na lasing sa alak at walang sabi-sabing sampalin at batukan si Shiela.

Nagalit ang suspek sa ginawa ng ama sa ka-live-in kaya kinuha nito ang palakol na nakalagay sa tabi at pinalakol ang ama sa mukha at dibdib na kaagad nitong ikinasawi.

Ayon sa mga kaanak na masama umano ang loob ng biktima sa suspek dahil gusto nito na makapagtrabaho at makatulong pa ito sa pamilya, subalit dahil sa maagang nag-asawa ay sinisi nito ang babae kaya’t mainit ang dugo nito rito. Ang suspek ay nahaharap sa kasong parricide.

Show comments