MANILA, Philippines - Isinusulong ng tambalang Davao City Mayor Rody Duterte at Senator Alan Peter Cayetano na huwag ng patawan ng buwis ang mga manggagawa na kumikita lamang ng P20,000 kada buwan pababa.
Ayon kina Duterte at Cayetano, isang malaking pahirap para sa mga regular wage earners ang pagbabayad ng mataas na tax.
Ayon kay Cayetano na bagaman at papalapit na ang Pasko, wala pa ring nakikitang pagbabago ang mga mamamayan sa tax system ng bansa na dapat lamang na yong mga maliliit lamang ang kinikita mas maliit na buwis ang bayaran.
“It is common sense that those who earn less should be taxed less. However, this is not the case in our country. We do not only have one of the highest income tax rates in Southeast Asia, our tax system is also awfully inequitable. The government burdens the working people with intolerable taxes while big time evaders are free from any accountability,” ani Cayetano.
Naniniwala si Cayetano na babalik din naman sa gobyerno ang buwis na hindi babayaran ng mga kumikita lamang ng P20,000 pababa dahil lalakas ang purchasing power ng mga ito at makakapag-ambag rin siya sa mas mataas na buwis para sa pamahalaan.
Ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), ang tinatawag na “family living wage” sa National Capital Region (NCR) ay nasa P917 per day o P27, 510 monthly kaya kulang pa ang P20,000 na buwanang kita ng isang manggagawa lalo na kapag kinuwenta pa ang kinaltas na buwis.
Idinagdag ni Cayetano na panahon na upang seryosong ikonsidera ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang panukala bilang tulong na rin sa mga manggawang Filipino.