MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga operatiba ng pulisya ang isang barangay hall at dito ay nasamsam ang mga iba’t ibang armas at nadakip ang limang barangay tanod kahapon ng umaga sa Brgy.Communal, Buhangin District, Davao City.
Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang mga elemento ng Davao City CIDG; Special Weapons and Tactics (SWAT) team at Buhangin Police sa barangay hall sa lugar at dito ay nasakote ang mga suspek na sina Allan Badang; Cornelio Bughao; Arvin Cayunda; Ricardo Dialoja at Ronald Obtial. Nasamsam sa mga suspek ang dalawang cal. 45 pistol, isang cal.38 pistol, isang cal. 357 revolver, isang shotgun, isang cal 9 MM pistol, mga magazine at sari-saring uri ng mga bala.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Carpio ng Regional Trial Court (RTC) 11 matapos na makatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa paglabag sa Republic Act (RA) 10591 ( Firearms and Ammunition Law ) sa pag-iingat ng mga baril na walang lisensya nina Brgy. Captain Mark Galvez at ng kaniyang 5 tanod.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ang posibleng pananagutan ni Brgy. Chairman Galvez sa pag-iingat ng mga armas na walang lisensya ng mga barangay tanod sa ilalim ng superbisyon nito.
Bukod sa kasong paglabag sa RA 10591 ay nahaharap rin sa karagdagang kasong administratibo si Galvez sa tanggapan ng Office of the Ombudsman.