MANILA, Philippines – Dalawa ang namatay kabilang ang naburyong na security guard sa naganap na hostage-drama sa loob ng pribadong kompanya sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng hapon.
Kinilala ang mga namatay na sina Fernando Cano, 44, may-asawa, sekyu ng USWA Security Agency at nakatira sa # 273 Ramelon Street, Bagong Barrio, Caloocan City; at Ricardo Mesina, marketing manager ng Chain Glass Enterprises, Inc.
Si Cano ay nagbaril sa sentido gamit ang cal. 38 revolver kung saan nakikipagnegosasyon ang mga awtoridad habang binaril at napatay naman ni Cano si Mesina.
Samantala, nasa kritikal na kalagayan ang company sales representative na si Victorino Salas na naisugod sa Chinese General Hospital habang si Melanie Alejandrino naman ay tinamaan sa braso.
Bago maganap ang hostage-drama, nagtungo sa nasabing kompanya ang mga imbestigador ng MPD - Theft and Robbery Section para mag-ocular inspection at imbestigahan ang mga kawani kaugnay sa pagkawala ng mahigit isang milyong cash at tseke ng kompanya.
Nang makaalis na ang grupo ng mga imbestigador na pinangungunahan ni SPO2 Rodel Benitez, nagsimula na umano ang pambu-bully ng mga kawani kay Cano.
Dito na nag-init ang ulo ni Cano matapos pagsabihan siya ng mga kawani na makukulong na kaya pinagbabaril ang mga biktima sa loob ng establisyemento.
Kabilang ang manager na tinamaan dahil masama ang loob ni Cano sa kanya na sinasabing madalas pagalitan.
Umabot naman sa 30 kawani ng kompanya ang nagsitakas sa likurang pintuan sa takot na madamay sa pagwawala at pamamaril ni Cano.
Tinangkang pasukuin ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Cano hanggang sa ipatawag ang maybahay nito na nakiusap sa pamamagitan ng megaphone subalit walang pagsukong naganap.
Dakong alas-2:15 ng hapon nang makarinig ng putok ng baril ang mga pulis na nakaantabay kaya nang tunguhin ng pulisya ang ikalawang palapag ay bumungad ang duguang si Cano na sinasabing nagbaril sa sarili.