Isa pang ginang napaanak sa trapik
MANILA, Philippines – Isa na namang ginang ang napaanak sa gilid ng kalsada matapos maipit sa trapik kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Ang ginang na napaanak nang wala sa oras ay kinilalang si Aileen Butocain, nasa hustong gulang, ng Tanza, Cavite.
Sa salaysay ng mister ni Aileen na si Enrique na lumuwas sila upang dalhin ang misis sa isang ospital sa Maynila dahil kabuwanan na nito.
Pero, pagsapit ng sinasakyan nilang bus sa Coastal Mall, Terminal ay biglang sumakit ang tiyan ng ginang na tila manganganak na. Natrapik at walang madaanan ang bus dahil sarado pa nang sumandaling iyon ang kahabaan ng Roxas Boulevard.
Sa tindi ng sakit ay hindi na ito kinaya ng ginang kaya’t bumaba ito ng bus hanggang sa napahiga na lamang ito sa tabi ng kalsada at isang vendor na hindi nakuha ang pangalan ang siyang nagpaanak dito na pinangalanang Coastaline na hango sa Coastal Road kung saan ito napaanak.
Matatandaan, nitong nakaraang linggo, ay unang nanganak ang ginang na si Lorna Justo ay sa bangketa ng panulukan Belle Avenue at Diosdado Macapagal Boulevard sa nabanggit pa ring lungsod.
- Latest