3 nangholdap at nanaksak sa policewoman, nadakip

MANILA, Philippines – Magkakasunod na nadakip kamakalawa ng gabi sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang tatlong lalaki na nangholdap at nanaksak sa isang babaeng pulis noong Sabado.

Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina  Marvin Austria, 18, ng Unit 88, Building 9  Temporary Housing; Christopher  Saradaga, 18, ng  Unit 25, Bldg. 22, Temporary Housing, Tondo at Mark Emil Nicol, nasa hustong gulang.

Nasamsam mula sa mga suspek ang isang sumpak, kalibre 38, bala, patalim,  at 6 pirasong plastic sachet ng shabu.

Unang nadakip si Nicol at sunod na nadakip kamakalawa ng alas-10:00 ng gabi sa pagitan ng exit gate ng Harbour Center at Marala Bridge, Vitas, Tondo sina Austria at Saradaga.

Ang tatlong suspek ay positibong itinuro ng biktimang si PO1 Jingky Monsanto, nakatalaga sa Northern Police District (NPD) na sa homoldap at sumaksak sa kaniya sa balikat noong Sabado ng alas-5:30 ng umaga nang maipit sa trapik sa Radial  10, habang papunta sa APEC Summit dry run sa Pasay City.

Tanging bag na lamang ni PO1 Monsanto ang nabawi habang ang kaniyang service firearm at cash na P8,000 ay hindi na.

Show comments