MANILA, Philippines – Talakayin at aprubahan sa APEC 2015 ang isang panukala para magtatag ng “regional insurance pool” upang magamit sa pagtama ng mga kalamidad sa mga kaanib na bansa sa rehiyon.
Ito ang nais na mangyari ni senatoriable Atty. Francis Tolentino, dahil ang mga kalamidad ay hindi isolated na pangyayari na tumatama sa isang bansa at maaaring makaapekto sa ekonomiya ng mga kapitbahay na bansa. Makatwiran umano na mag-ambagan ng pondo ang mga kaanib na bansa ng APEC na magagamit sa oras ng kalamidad na tatama sa isang miyembro.
Inihalimbawa pa nito ang isang bagyo na hindi lamang tumatama sa isang bansa ngunit dumaraan sa ilang magkakapitbahay na bansa sa Asya Pasipiko na nagreresulta sa pagbaba ng ekonomiya ng mga ito.
Nabatid na kapwa ang World Bank at Asian Development Bank ang humihikayat sa 21-miyembrong bansa ng APEC na maglaan ng investment sa “shared disaster risk financing.”
Sinabi ni Richard Poulter ng World Bank, maaaring pagsama-samahin ang pondo ng mga kaanib na bansa at kumuha ng insurance mula sa isang internasyunal na insurance provider.Binanggit pa nito ang Pilipinas na ginagawa ang naturang hakbang sa ilang lalawigan.
Sinabi pa ni Tolentino na tinalakay na rin ang “regional insurance” sa dalawang araw na APEC meeting sa Bacolod City nitong nakaraang Abril at inaasahang tatalakayin rin sa APEC dito sa Maynila.