MANILA, Philippines – Bagsak kalaboso ang isang lalaking driver matapos nitong hipuan ang ari ng isang babaeng pulis na nagsasagawa ng security operation sa terminal ng bus sa Baguio City, kamakalawa.
Ang suspek na kinasuhan ng acts of lasciviousness at unjust vexation ay kinilalang si Danilo Reyes Santos, 63, may-asawa, tubong Aurora province at driver ng Genesis Bus Transport Inc.
Ipinagharap ang suspek ng reklamo ng biktimang parak na may ranggong SPO1 na miyembro ng City Public Safety Company (CPSC) ng Baguio City Police Office.
Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa bisinidad ng Dagupan Bus Terminal na matatagpuan sa Gov. Pack Road ng lungsod ay kasalukuyang nagsasagawa ng paneling at security patrol ang mga miyembro ng CPSC na kinabibilangan ng biktima sa terminal nang bigla na lamang hipuin ng suspek ang ari ng babaeng pulis.
Agad namang inaresto ng mga kasamahang pulis ng biktimang SPO1 ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Baguio City Police.