MANILA, Philippines – Mahigit sa 120-katao ang napatay habang maraming pang sugatan kung saan tinatayang aabot sa 60-katao naman ang hinostage matapos ang serye ng terror attacks sa Paris at sa Saint-Denis noong Biyernes sa France.
Sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), umatake ang mga gunmen at bombers sa mga restaurants, bars, sports stadium at concert hall sa Paris.
Sa kabila nito, sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na wala pa silang natatanggap na ulat mula sa Embahada na may Pinoy na namatay o nasugatan sa pag-atake.
Habang sinusulat ang ulat na ito, patuloy ang rescue at assault operation ng Paris security forces laban sa mga terorista sa Bataclan Music Hall kung saan sinasabing may 60 pang katao ang hinostage ng mga terorista.
Base sa report, dumalo si French President Francois Hollande sa international soccer match kasama si German Foreign Minister Frank Walker Steinmeier nang maganap ang sunud-sunod na pagsabog sa labas ng national stadium.
Nabatid na pumasok ang mga kabataan na walang suot na mask at armado ng mga rifle sa Bataclan concert hall sa kasagsagan ng concert at walang habas na pinagbabaril ang mga tao doon.
Nagkalat ang mga patay at nagkagulo sa stadium habang patuloy ang pamamaril ng mga terorista.
Tatlong magkakasunod na pagsabog ang narinig pa malapit sa Stade de France habang ginaganap ang France-Germany friendly soccer match na dinadaluhan ni Hollande. Nagbunsod din ito ng matinding panic sa mga manonood dahil sa umugong na pag-atake ng mga terorista.
Iniulat na may 35-katao ang napatay malapit sa soccer stadium kabilang ang dalawang suspected suicide bombers.
Kabilang pa sa mga inatake ay ang labas ng Cambodian restaurant sa 10th District, Rue de Charome sa 11th District at Les Halles shopping at cinema complex ng capital.
Idineklara ni Hollande ang state of emergency sa Paris region matapos ang pag-atake at ipinasara nito ang border ng France upang mapigilan ang mga terorista na makatakas palabas ng nasabing bansa.
Binuksan din ang lahat ng emergency services sa rehiyon habang kinansela ng mga police leave at ang lahat ng mga medical staffs sa hospital ay pinapasok upang matugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng pagsabog at pag-atake.
Terror attacks sa Paris, kinondena
Kinondena ng United Nations at international community kabilang na ang Pilipinas at Amerika ang terror attacks sa Paris, France.
Tinukoy ni UN SecGen Ban Ki-Moon ang pag-atake na “despicable attacks” at hiniling na palayain ang mga hostages.
Sinasabi na ang pag-atake ay posibleng nag-ugat sa paghihiganti ng mga Islamic State (IS) fighters/militants dahil sa ginawang matinding pagsuporta ng France sa mga air strikes sa Syria at Iraq ng US-led coalition kung saan isa sa mga miyembro na nagtatag ng koalisyon ay ang France.
Kaugnay nito, pinangunahan ni US President Barack Obama at German Chancellor Angela Merkel kasama ang France ang isang “global chorus of solidarity” bilang pagkondena sa pag-atake sa Paris.
“The Philippines and its people stand in solidarity with the people of Paris and all of France, in this time of deepest sorrow and the gravest outrage against the perpetrators of these crimes,” pahayag ni PNoy.
AFP red alert na rin…
Itinaas na rin kahapon sa red alert ang pinakamataas na alert status sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa buong bansa bilang bahagi ng pagpapaigting pa ng seguridad sa APEC Summit sa susunod na linggo sa Metro Manila matapos ang terror attack sa Paris, France noong Biyernes ng gabi (Sabado ng umaga sa Pilipinas).
Sinabi ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na bagaman sa Lunes pa sana magtataas ng alerto ang AFP para sa APEC Summit ay napaaga ito matapos ang madugong terror attack na gumimbal sa buong mundo.
“The alert status was adopted, alot in the wake of the terrorist attack in France, the red alert was also raised a day ahead of schedule as a matter of procedure following any international terrorist incident such as this morning’s terrorists attack in Paris,” dagdag pa ni Padilla.
APEC security hinigpitan
Mas matinding seguridad ang ipatutupad ng pamahalaan para sa mga lider ng iba’t ibang bansa na dadalo sa Asia-Pacific Economic Conference (APEC) Summit sa susunod na linggo dahil sa serye ng pagbobomba at pamamaril sa Paris ng mga terrorist group na nag-iwan ng mahigit 128 kataong patay noong Biyernes.
Ayon kay Foreign Undersecretary Laura del Rosario, isa sa mga miyembro ng APEC summit organizing committee, ipatutupad ang “higher security” para sa mga world leaders na dadalo sa economic summit sa Manila sa Nobyembre 18-19.
Kabilang sa makikiisa sa summit ay si US President Barack Obama at mga matataas na lider ng China, Japan, Australia, Canada at 15 pang lider.
Sinabi naman ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na lalong tututukan ng security officials ang mga delegado upang matiyak ang kanilang seguridad at kaligtasan kasunod ng magkakasunod na pambobomba at pamamaril ng mga terorista sa Paris.
Nabatid na kinansela ng pamahalaan ang may isang libong flights habang nagtalaga ng may 18,000 pulis sa lansangan na pupuntahan ng mga delegado at idineklarang holiday ang nasabing mga araw ng summit upang matiyak na magiging maayos at ligtas ang summit.
Una nang nagpahayag sina Russian President Vladimir Putin at Indonesian President Joko Widodo na hindi sila makadadalo sa summit habang ang Pangulo ng Columbia ay dadalo lamang bilang isang observer.
Ang APEC na ginagawa taun-taon ay may 21 member-economies kung saan ang Pilipinas ang magsisilbing host ngayong taon.