Bomb expert naaresto
MANILA, Philippines – Isang bomb expert na dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front-Special Operations Group (MILF-SOG) ang naaresto sa isinagawang operasyon sa lalawigan ng North Cotabato kamakalawa.
Kinilala ni AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Col. Noel Detoyato ang nasakoteng suspek na si Abdul Manap Mentan, gumagamit ng mga alyas na Manny, Manap at Al-Molk,dating miyembro ng MILF terrorist unit.
Si Mentang ay nasakote sa Brgy. Panatan, Pigcawayan, North Cotabato sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Davao City at Cotabato City Regional Trial Courts sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder.
Nabatid na si Mentang ay responsable sa pambobomba sa Sasa Wharf at Ecoland terminal bombing sa Davao City noong 2003 na kumitil ng 23 sibilyan habang 127 pa ang nasugatan.
Si Mentang din ay kabilang sa unang batch ng 15 man group na sinanay sa urban terrorism at demolisyon ng Jemaah Islamiyah (JI) terrorist noong 1995 at sinanay nito ang MILF members sa bomb making matapos itong matuto sa paghahasik ng terorismo.
Una nang nasakote si Mentang sa Sta. Ana, Manila noong Oktubre 2014, pero pinalaya matapos ang tatlong buwan bunga ng kakulangan ng ebidensya.
- Latest