MANILA, Philippines – Inaresto, pinosasan at ikinulong pa ng isang pulis ang isang radio reporter nang magkaroon ng mainitang pagtatalo dahil lamang sa pagbuklat ng una ng police blotter sa loob ng Marikina police station, kahapon ng umaga.
Ang reporter ay kinilalang si Edmar Estabillo, 40, may-asawa, field reporter ng DZRH na naka-beat sa Eastern Police District (EPD) at nakatira sa Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal.
Nagsampa ng reklamo si Estabillo laban kay SPO2 Manuel Laison ng physical injury at abuse of authority.
Batay sa ulat, dakong alas-7:48 ng umaga ay nagtungo sa police station ng Marikina si Estabillo para tingnan ang police blotter para makakakuha ng balita at dito ay nagalit ang suspek na si SPO2 Laison dahil hindi man lamang umano ito nagpaalam.
Ang pagtatalo ay nauwi sa sigawan at suntukan hanggang sa posasan ang reporter, arestuhin at kunin ang kanyang handheld radio.
Nagsampa rin ng kaso si SPO2 Laison laban kay Estabillo ng assault of an agent in authority resisting arrest and disobedience.
Kaugnay nito ay nirelib na ni Eastern Police District (EPD) director, Chief Supt. Elmer Jamias si Laison dahil sa nangyari habang masusi pang iniimbestigahan ang insidente para mabatid kung sino talaga ang may kasalanan.