MANILA, Philippines – Nagsampa ng reklamong rape ang isang 23-anyos na misis laban kanyang kapitbahay matapos na siya ay halayin nito sa harap ng kaniyang tatlong paslit na anak kamakalawa sa Brgy. Sinuyak, Katipunan, Zamboanga del Norte.
Ang biktima na itinago sa pangalang Isadora ay nagsampa ng reklamo laban sa suspek na si Rosario Pailaga, 33, isang magsasaka at kapitbahay ng ginang.
Sa salaysay ng biktima, dakong ala-1:00 ng madaling araw ay nasa kasarapan sila ng tulog ng kanyang tatlong paslit na anak nang siya ay magising dahil may humipo sa kanyang kaselanan.
Sa pagdilat niya ay nakita niya ang suspek na hubo’t hubad at tinutukan siya ng patalim.
Sa takot na saksakin siya at maging ang tatlong anak ay hindi siya nanlaban hanggang sa gahasain.
Matapos na gahasain ang ginang ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Nabatid na wala ang mister ng biktima na kasalukuyang nasa Maynila.