MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago sa mga kasamahang senador na imbestigahan ang sinasabing “tanim bala” scam sa Ninoy Aquino International Airport kung saan ang nabibiktima ay mga overseas Filipino workers (OFWs).
Inihain ni Santiago ang Senate Resolution No. 1635 upang pa-imbestigahan sa kinauukulang komite sa Senado ang nasabing scam na ang layunin ay makapangikil umano sa mga nagiging biktima.
Anim na kaso na ang naiulat sa media na ang pinakahuling biktima ay si Gloria Orrinez, isang OFW na patungong Hong Kong, at isang Japanese national na si Kazunobu Sakamoto, na kapwa inaresto noong Oktubre 25. Tanging si Sakamoto lamang ang nakapaghain ng P80,000 na piyansa.
Sinabi ni Santiago na malalakas ang loob ng mga gumagawa ng krimen dahil posibleng naniniwala ang mga ito na hindi sila mapaparusahan.
Iginiit naman ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na dapat hulihin ang sindikato ng ‘tanim bala’ sa loob ng 24 oras upang hindi na madamay sa kalokohan ng iilang abusadong tauhan.