Mag-utol tinaga sa leeg, tiyo nag-suicide

Namatay din ang suspek na si Domingo Mangyao, nasa hustong gulang  na naglaslas din sa leeg matapos ang ginawang brutal na pagpaslang sa dalawang menor de edad na pamangkin. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Kapwa nasawi ang magkapatid na babae matapos silang tagain sa leeg ng kanilang adik na tiyuhin bago ito nag-suicide naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. Napo, Carcar City, Cebu.

Ang nasawing magkapatid ay kinilalang  sina Charmaine Mangyao, 16 at Rosalyn, 11.

Namatay din ang suspek na si Domingo Mangyao, nasa hustong gulang  na naglaslas din sa leeg matapos ang ginawang brutal na pagpaslang sa dalawang menor de edad na pamangkin.

Ang suspek ay dumaranas rin umano ng nervous breakdown bukod pa sa paggamit ng illegal na droga.

Masuwerte namang nakaligtas ang dalawa pang nakababatang kapatid na 2-anyos at 4-anyos matapos makapagtago ang mga ito.

Batay sa ulat ng pulisya, bago naitala ang krimen dakong alas-10:00 ng gabi ay wala ang mga magulang sa bahay dahilnakipaglamay ang mga ito sa kapitbahay na namatay.

Mahimbing na natutulog ang magkapatid  nang pasukin ng  kanilang tiyuhin na kapatid ng kanilang amang si Ra­nulfo Mangyao at walang awang magkakasunod na tagain sa leeg.

Nang mapatay ang magkapatid ay nagpatiwakal rin ang suspek matapos na laslasin ang leeg gamit ang itak.

Ang suspek ay may dati ng kaso ng pangho-hostage at illegal possession of firearms.

Show comments