‘Police asset’ itinumba sa drug den
MANILA, Philippines - Napatay ang isang lalaki na pinaniniwalaang bibiling iligal na droga matapos itong ratratin ng hindi kilalang gunman sa itinuturing na drug den sa Parola Compound, Binondo sa Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala lamang ang biktima sa alyas Ondo na nasa 35 hanggang 40-anyos, payat, may tattoo sa kanang balikat na Bravo for Justice at sa kaliwang balikat ay tribal design naman habang sa kaliwang braso ay kulay pula ang tattoo na mata na may luha.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:20 ng gabi nang umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril sa bahagi ng East Access Road sa Gate 64 ng Parola Compound.
Ayon sa security guard ng Villa East Access Road na si Richard Mark Villa, hinanap niya ang pinagmulan ng putok ng baril at nakita niya ang duguang biktima.
Pinaniniwalaang bibili ng shabu ang biktima kaya dumayo ito sa Parola Compound na sinasabing talamak na bentahan ng shabu subalit pinaghinalaan siyang asset ng pulis kaya itinumba.
- Latest