MANILA, Philippines – Nais ng isang abogado na kanselahin ng Commission on Elections (Comelec) ang certificate of candidacy (COC) sa pagkapangulo ni Senator Grace Poe.
Batay sa inihaing petition ni Atty. Estrella Elamparo na kanselahin ang COC ni Poe bunsod na rin ng “material misrepresentation” sa pamamagitan ng pagsasaad na isa siyang natural-born Filipino.
Ayon kay Elamparo, hindi natural-born Filipino citizen si Poe dahil isa lamang itong ampon at walang patunay na legal itong inampon.
Sinabi ni Elamparo na mahirap ding patunayan na natural-born Filipino citizen si Poe dahil ang citizenship ay pinatutunayan sa pamamagitan ng dugo at hindi ang place of birth.
Si Poe, ang nangunguna ngayon sa ilang mga survey at may kaso sa Senate Electoral Tribunal bunsod ng kanyang pagkapanalo noong 2013 mid-term elections.
Agad ding nilinaw ng abogada na walang nag-utos o nag-impluwensya sa kanya para isulong ang diskuwalipikasyon ni Poe.
“Karapatan ko ito bilang isang registered voter,” ani Elamparo.
Hindi naman nasorpresa ang kampo ng senadora sa inihaing petisyon laban dito at may ideya na rin umano sila kung sino ang nasa likod ng nasabing hakbang.