MANILA, Philippines - “Nais nilang ipagpatuloy ang kasalukuyang sitwasyon na laganap pa rin ang kahirapan. Marami ang nagugutom. At milyun-milyon ang naghahanap ng trabaho.”
Ito ang inihayag ni Vice President Jejomar C. Binay sa Cebu City kaugnay sa paglulunsad ng United Nationalist Alliance at oathtaking ng mga lider sa Visayas.
Binira ni Binay ang administrasyong Aquino sa kabiguan ng mga ito na masolusyunan ang kahirapan sa Visayas na pinalala pa ng tamaan ng bagyong Yolanda.
Anya,nais ng administrasyon na ipagpatuloy ang kasalukuyang sitwasyon na malaki nga ang badyet pero hindi naman nila ginagamit o kung ginagagastos man, ito ay hindi tama.
Lalo anyang nalubog sa kahirapan ang maraming mamamayan lalo na sa Kabisayaan dahil ang poverty level sa Eastern Visayas ay sumipa ng halos 55 percent noong 2014, kumpara sa 45 percent noong 2012.
“Nakakalungkot at nakakabahala, dahil nariyan naman ang pera para tulungan ang ating mga kababayan ngunit hindi ito ginagastos ng lubusan. Nariyan din ang tulong mula sa maraming bansa at samahan na kailan lang ay naiulat na hindi nakarating sa ating mga kababayang dapat tulungan,” wika ni Binay.
Kaya anya, hindi na anya nakapagtataka kung bakit ang administrasyong Aquino ay bagsak ang grado pagdating sa isyu ng paglaban sa kahirapan, pasahod, presyo ng bilihin, at pagseserbisyo sa taumbayan.
Muling binanggit ni Binay ang kasalukuyang sistema ng pagbubuwis sa bansa na ang Pilipinas ay may pinakamataas na income tax sa buong Asya na ang nasasaktan at pinapahirapan ng sistemang ay maliliit na manggagawang Pilipino.
Kaya ipinangako ni Binay na kapag nanalong Pangulo ay irereporma nito ang sistema ng pagbubuwis.