MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng Delpan Police Community Precinct ang dalawang dating pulis-Maynila dahil sa reklamo nang pangongotong sa mga bumaba ng barko mula sa Visaya at nagpapakilala na mga aktibong pulis pa na naganap kahapon ng madaling araw.
Ang mga inarestong suspek ay kinilalang sina Edgar Abenoja, 39 ng no. 367 Lallana St., Tondo at Gilbeys Navoa, 39, ng no. 400-C Capulong St., Tondo.
Bago ito, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang isumbong ang dalawang suspek na may dalang mga baril at nagpapakilalang mga pulis na naninita ng mga kalalakihan sa panulukan ng Zaragosa.
Rumesponde ang mga pulis-Delpan at dito ay nakita ang dalawa na may mga nakabukol na baril kaya’t dinisarmahan ang mga ito.
Nabatid na mula nang masibak sa serbisyo ang dalawa ay nagtutungo ito sa mga lugar na inaakalang may mga pasugalan tulad ng video karera at nanghuhuli.
Sinampahan na ng reklamong usurpation of authority sa piskalya ang dalawang dating pulis.