3 banyaga, 1 pinay dinukot sa resort

Kjartan Sekkingstad, Robert Hall at John Ridsdel

MANILA, Philippines – Dinukot ng 20 armadong kala­lakihan ang apat katao kabilang ang dalawang Canadian, isang Norwegian at isang Pinay na sumalakay sa kanilang resort sa Island Garden City of Samar, Davao del Norte kamakalawa ng gabi.

Ang dinukot na mga biktima ay kinilalang sina Kjartan Sekkingstad, Norwegian, manager ng Ocean View Resort; mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall at isang hindi pa nakilalang Pinay na nobya ng isa sa mga ito.

Sa ulat na nakara­ting kay Captain Alberto Caber, Spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command (AFP- Eastmincom) bandang alas-10:30 ng gabi nang sala­kayin ng 20 armadong kalalakihan ang Holiday Ocean View Resort sa Brgy. Camudmud, Babak District sa Samal Island.

Nabatid na ang mga biktima ay lulan ng yate na nakadaong sa tapat ng Holiday Ocean View Resort  sa lugar nang suma­lakay ang mga kidnaper.

Walang nagawa ang  mga biktima matapos na tutukan ng baril at kaladkarin pasakay sa bangkang de motor na tumahak patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Davao del Norte Police, Philippine Navy, PNP Maritime Group at Philippine Coast Guard na gumalugad sa Davao Gulf upang iligtas ang mga bihag.

Naglatag na rin ng naval blockade ang Philippine Navy katuwang ang Philippine Coast Guard para harangin ang mga kidnaper na madala sa balwarte ng mga bandidong Abu Sayyaf ang mga hostages.

Samantala,nakunan sa Closed Circuit Television (CCTV) ang mga kidnaper at masusi ng pinag-aaralan ng mga otoridad ang CCTV.

Nakita rin  sa CCTV na 11 mga armadong kalalakihan ang tumangay sa mga bihag habang ang iba naman ay nagsilbing lookout sa naghihintay na dalawang pumpboats na pinagsakyan sa mga biktima.

Dalawang Japanese nationals ang nasugatan matapos na tangkaing pigilan ang pagdukot sa tatlong banyaga at isang Pinay.

Wala pang natutukoy na grupo sa likod ng pagdukot at patuloy ang im­bestigasyon sa kaso.

Show comments