MANILA, Philippines – Isa umano sa pangunahing dahilan nang pagtaas ng insidente ng carnapping sa bansa partikular sa Metro Manila ay ang roadside parking.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ricardo Marquez kaya’t pinayuhan ang publiko na huwag iparada ang kanilang mga sasakyan sa mga tabi ng kalsada para makaiwas na mabiktima ng mga gumagalang carnapping gang.
Sa tala ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ng PNP mula Enero hanggang Setyembre 6 ng taong ito karamihan ng mga naganap na kaso ng carnapping ay nangyari sa mga kalsada na nasa 44 % mula sa kabuuang naitalang 214 insidente.
Samantalang sa mga residential areas ay nasa 29% ang nairekord o nasa 140 kaso ng carnapping.
Batay pa sa tala na ang 54% o 265 kaso ng carnapping ay iniulat na nakaparada sa mga kalye sa harapan ng mga tahanan ng mga may-ari nito mula sa kabuuang 489 iniulat na kaso at ang iba naman ay puwersahang tinangay.
Nangunguna ang Quezon City Police District (QCPD) sa may pinakamaraming naireport na insidente ng carnapping sa bilang na 213 kaso; pangalawa ang Eastern Police District, 88; Northern Police District, 72; Manila Police District (MPD) 59 at 57 kaso naman ang hawak ng Southern Police District (SPD).
Kapunapuna rin na sa 64% ng mga kaso ng carnapping ay nangyayari sa pagitan ng alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-8:00 ng umaga.