Mag-asawa na grinanada sangkot sa droga
MANILA, Philippines - Isa sa mga suspek na bumaril at naghagis ng granada sa mag-asawang nakasakay sa kotse sa Los Baños, Laguna kamakalawa ng umaga ang tukoy na ng mga otoridad.
Sa inisyal na imbestigasyon, aabot sa dalawa hanggang tatlong suspek na nakamotorsiklo ang nasa likod ng pagpatay sa mag-asawang Marlito at Liezel Morales, 36.
Sinabi ni Supt. Romy Desiderio, hepe ng Los Baños police, na may hawak na rin silang CCTV footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon.
Tumanggi naman muna ang pulisya na pangalanan ang nakilalang suspek habang tinutugis pa ito.
Bukod pa sa granada, dalawang uri ng baril ang ginamit sa pagpatay sa mag-asawa na isang kalibre .45 at isang 9-millimeter pistol.
Magugunita na bandang alas-6:45 ng umaga noong Lunes ay may hinihintay ang mag-asawa na sakay sa Toyota Avanza na may plakang ULQ-484 ,sa Barangay Bayog nang ito ay pagbabarilin at hagisan ng granada.
Sunog na sunog na ang Avanza nang datnan ng mga otoridad, pero may ilang dokumento pa silang naisalba na siyang naging daan sa pagtukoy ng isa sa mga suspek.
Kasama sa narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen ay ang bungkos ng perang nagkakahalagang P100,000.
Ayon kay Supt. Desiderio na hindi tugma ang rehistro ng plaka at chassis ng Avanza na sinakyan ng mga biktima at ang may-ari batay sa records ay Victorio Pascual Jr., pinsan ng babaeng biktima.
Malaking tanong din para sa mga otoridad kung bakit may P100,000 cash na hawak ang mga biktima at kung bakit nasa lugar sila nang ganoon kaaga.
Ilegal na droga ang anggulong tinitingnan ngayon ng Los Baños police sa pagpatay sa mag-asawa matapos na mabatid sa rekord ng San Pablo City Police na mga pinaghihinalaang mga notoryus na ‘drug personalities’ ang mag-asawa.
Bukod sa hinihinalang ilegal na aktibidad, lumalabas naman sa imbestigasyon na may mga legal na negosyo rin ang mag-asawa tulad ng piso-net shop at piggery.
Ayon kay Supt. Desiderio, nagpaalam ang mag-asawa nang araw na mangyari ang krimen na pupunta ng Maynila upang kumuha ng pasaporte sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Balak sana ng mag-asawang tumungo ng Hong Kong kung hindi sila pinatay.Naulila ng mag-asawa ang dalawang anak, isang 14-anyos at isang 15-anyos.
- Latest