MANILA, Philippines – “Trapo” na ang tawag ni Senador Serge Osmeña sa dating alaga na si Senador Grace Poe sa pagdedepensa nito sa isinagawang apat na kilos protesta ng Iglesia ni Cristo kamakailan na ikinasikip ng daloy ng trapiko sa Maynila at sa EDSA.
Nang tanungin si Osmeña sa isang panayam sa radio kung papaanong marerekober ni Poe ang mga botanteng nadismaya sa naging pagdipensa niya sa Iglesia ay sinagot lamang niya na mayroon itong mga stratehiya.
Una nang sinabi ni Osmeña na hindi dapat tumakbo si Poe bilang pangulo at tanggapin na lamang ang alok ni Pangulong Noynoy Aquino na maging running mate ng kanyang pambato na si Mar Roxas.
Ayon pa kay Osmeña na siya ay dating adviser ni Poe, ngunit inamin hindi na siya kinukonsulta nito ngayon at sa halip ay si Senador Chiz Escudero na lamang ito sumusunod.
Batay sa online survey na 47.79% ng mga bumoto na ang mga pulitikong tulad ni Poe,Vice President Jejomar Binay at Escudero ang tinaguriang “biggest losers” sa nangyaring protesta ng INC dahil sa kanilang pagdepensa sa kabila ng perwisyong idinulot sa madla.
Pumangalawa ang gobyerno, na nakakuha ng 31.1% na boto dahil sa kanilang maximum tolerance policy. Lampas isang milyong boto ang pumasok sa online survey.