Driver napatay ng kanyang trak

MANILA, Philippines - Mismong minamanehong trak ang kumitil sa buhay ng isang driver matapos na siya maipit nang ito ay tumagilid dahil sa pagkasira ng makina sa Valenzuela City.

Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Valenzuela City Medical Center ay kinilalang si Joseph Castillo, 30, may-asawa, at residente ng Sta. Lucia Village Phase 4, Punturin, Valenzuela City.

Batay sa ulat, minamaneho ni Castillo ang Isuzu Elf truck (XGF 677) na pag-aari ng Easton Enterprises palabas ng compound ng Phil Asia Plastic Company sa may No. 99 Malinis Street, Brgy. Lawang Bato, ng naturang lungsod.

Habang binabagtas  ng trak ang pataas na bahagi ng kalsada ay biglang namatay ang makina nito at bumulusok pababa ang sasakyan. 

Sa pagkataranta ay tumalon ng trak ang biktima ngunit biglang tumagilid ang sasakyan at nabagsakan ito at naipit.

Humingi ng saklolo ang mga tauhan ng Phil Asia Plastic Company sa Valenzuela City Rescue Team ngunit natagalan bago matanggal sa pagkakaipit ang ulo ng biktima. 

 

Show comments