MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay ang isang 17-anyos na binatilyo nang ito ay barilin ng isang lalaking lulan ng motorsiklo matapos ang una ay nang-agaw ng cellphone ng isang estudyante sa loob ng pampasaherong jeep kamakalawa ng gabi sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila.
Ang nasawi ay kinilalang si Rommel Resureccion, 17, ng no. 1650-G Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pamamaril kay Resureccion dakong alas-7:30 ng gabi sa harapan ng New Raquel Bread House na matatagpuan sa no. 1710 Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila ay hinablot nito ang cellphone ng isang pasahero na si Francesca Calalay, estudyante, habang nakahinto ang sinasakyang dyip sa panulukan ng Rizal Avenue at San Lazaro Sts.
Mabilis na tumatakbo si Ressureccion sa direksyon ng Rizal Avenue southbound nang isang hindi nakilalang lalaki na nakasakay sa Enduro type motorcycle na armado ng kalibre .45 ang bumaril nang magkakasunod sa una na bumulagta sa kalye.
Minalas na tamaan ng ligaw na bala ang isang mag-ama na sakay naman ng Toyota Corolla (UDU 776) na kinilalang sina Gary Caingat, 34; Earl Gabriel, 7, kapwa residente ng no. 50 Sto. Niño st., Zone 4, Signal Village, Taguig City.
Biglang naglaho ang lalaking namaril na posibleng nag-aabang ng mga holdaper at snatcher sa nasabing lugar.