Credentials ng 63 consultants ni Trillanes, ilahad
MANILA, Philippines - Dapat ilahad ni Senador Antonio Trillanes IV ang kuwalipikasyon o credentials ng kanyang 63 consultants kabilang na ang isang Eddie Ybañez na kumukubra ng pinakamababang sahod na P3,500 kada buwan mula sa pondo ng bayan.
Kaya’t ang tanong ni Atty. Rico Quicho, vice presidential spokesman for political affairs kay Trillanes kung sino si Eddie Ybañez?
Hamon pa ni Quicho, kay Trillanes na dapat itong magsilbing ehemplo at ituro sa mga kabataan ang tamang pagsunod sa mga panuntunan tulad ng hinihingi ng Commission on Audit (COA) na pagsusumite ng resumes sa mga consultants na pagbabasehan ng kanilang sahod kaya’t ipakita nito ang resume ni Ybañez.
Malaking kuwestiyon ang pagkakaiba ng tinatanggap na consultant fee na P71,200 kada buwan ng kapatid ni Trillanes na si Juan Antonio kay Ybañez na P3,500 lamang kada buwan.
“Anong klaseng confidential consultancy service ang ginawa ni Mr. Ybañez para sa senador sa P3,500 kada buwan? Ano ang kanyang linya ng expertise? tanong ni Quicho.
Anya, batay sa sinasaad ng Civil Service Commission (CSC) Resolution 000831 na nagbibigay depinisyon sa “consultant” na isang nagbibigay ng payo sa mga usapin na naayon sa kanyang espesyal na kaalaman at kasanayan.
Nais ng kampo ni Binay na isalang sa imbestigasyon sa Senate Committee on Ethics si Trillanes dahil sa paggasta ng may P1.63 milyon kada buwan para sa 63 “overpriced” at kuwestyonableng consultants nito.
Ibinunyag ni Quicho na si Ybañez ay houseboy ni Trillanes habang sina Bernard Allen Marzan at Jay-Ar Caro na binayaran ng P11,500 at P8,100 kada buwan, ayon sa pagkakasunod ay mga family drivers habang may 14 iba pang sinasabing “consultants” ay mga miyembro ng Magdalo.
Sa dokumento ng Senado na mahigit sa buwanang budget allocation na P2.93 milyon para kay Trillanes ay napupunta lamang sa mga sahod ng 63 consultants nito.
Sa halip na sagutin ni Trillanes ang mga tanong kung ano ang naging basehan niya sa pagkuha ng maraming consultant ay idinadaan niya ito sa pambu-bully o paggagalit-galitan.
- Latest