Tinedyer pinatay sa gulpi ng 3 senglot

MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 17-anyos na binatilyo makaraang pagtulungang bugbugin ng tatlong senglot dahil sa maling akala sa Barangay Payatas sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Si Ramil Trafalgar ng Lupang Pangako sa  Barangay Payatas ay naisu­god pa ng kanyang kapatid sa East Avenue Medical Center pero hindi na umabot  ng buhay, ayon kay P02 Julius Raz.

Natukoy naman ang isa sa mga suspek sa alyas na Suwe na ngayon ay tinutugis ng pulisya.

Sa police report, naganap ang krimen sa bisinidad ng Block 3, Phase 3 sa Lupang Pangako ng nasabing barangay.

Nabatid na masayang nagkukuwentuhan ang biktima at pinsan nito nang komprontahin ng mga suspek dahil sa pag-aakalang pinagtripan sila.

Gayon pa man, itinanggi ng magpinsan ang akusasyon subalit nagalit ang mga suspek at naghamon ng suntukan pero hindi naman pinatulan ng dalawa.

Kaagad na umalis ang mga suspek pero ilang sandali ay muling bumalik at saka hinamon muli ang magpinsan hanggang sa mauwi ito sa gulpihan.

Nagawang makatakbo ng pinsan ni Ramil saka humingi ng tulong sa ama nito bago mu­ling bumalik kung saan  nadatnan ang biktima na walang malay na nakabulagta kung saan idineklarang patay sa nabanggit na ospital.

 

Show comments