Chiz makikinabang - Erice
MANILA, Philippines – Nais alamin ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero kung sino ang nasa likod ng natalong senatoriable na si Rizalito David, na nagsampa ng kaso sa Senate Electoral Tribunal (SET) laban sa pagkapanalo ni Senador Grace Poe noong 2013 na dapat ay hindi ito nakaupo sa Senado dahil sa isyu ng citizenship.
Ayon kay Escudero, kapag nalaman niya kung sino ang nagtulak at nag-udyok kay David na magsampa ng kaso ay agad nila itong ibubulgar.
Bagama’t may hinala si Escudero kung saan nanggagaling ang mga banat kay Poe ay umamin itong wala siyang ebidensiya.
Lumalabas sa ulat na itinuturo ang Liberal Party na kinabibilangan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino at Sec. Mar Roxas na nasa likod ni David na tahasan naman itinanggi ng huli.
Pinabulaanan din ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na ang Malacañang ang nasa likod ng paninira kay Poe dahil sila nga ang nag-imbita para rito na maging running mate ni Roxas.
Dahil mismong si Roxas ay naniniwala na isang Filipino citizen si Poe at hindi ito naniniwala sa ginagawang pagkuwestyon sa citizenship nito.
Tinawanan naman ni LP political and electoral affairs chairman at Caloocan Rep. Edgar Erice ang mga pasaring ni Escudero dahil siya ang makikinabang kung hindi matutuloy ang tambalang Mar-Grace dahil alam naman ng taumbayan na target nito ang pagtakbo sa pagiging bise-presidente.
Pero, kung sakaling pumayag si Grace na maging running mate ni Roxas ay tiyak na mahihirapan si Escudero dahil wala itong pupuntahan.
Ipinagtanggol din ni YACAP Party-list representative Carol Lopez si Roxas dahil ito nga ang nanliligaw kay Grace at bakit sisiraan ang senadora.
Nauna nang kumalat ang text message na si Erice ang nagbayad ng isang milyong piso kay David para maghain ng disqualification case laban kay Poe.
Itinanggi naman ni Erice ang alegasyon at ang nagpapakalat ng aniya’y maling impormasyon ay may layunin na tuluyan ng hindi magkasundo sina Roxas at Poe.