MANILA, Philippines – Nanawagan ang grupong Kilusan Kontra Katiwalian at Kabulukan (4K) kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez na pagpaliwanagin ang hepe ng Olongapo City kung bakit umano itinatago sa media ang serye ng krimen partikular ang may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ayon kay 4K-Olongapo Chairman Danny Boco, Sunod-sunod ang serye ng mga nakawan at patayan sa kanilang lungsod pero ito umano ay itinatago sa media ni Olongapo Police Director Sr. Supt. Pedrito De Los Reyes para hindi makita umano ang palpak na performance nila ni Mayor Rolen Paulino sa pagbaka sa mga krimen lalo sa ilegal na droga.
“May kaugnayan sa ilegal na droga ang pagpatay ng isang mister na adik sa kanyang misis na kanyang hinostage at pagsaksakin ng 15 beses, pagnanakaw at pagpatay naman kay Architect Francisco Lim sa East Bajac-Bajac ay ginawa ng mga drug addict, ang pagpatay kina Roberto Mariano sa kaparehong barangay at kay Cezar Basco Jr. sa Brgy. Old Cabalan na halos sabay nangyari pero ayaw pa ring magbigay ng detalye ang mga pulis,” wika ni Boco.
Anya, mismong ang legal office ng Olongapo City Hall ay pinasok ng magnanakaw at nawala ang mahahalagang dokumento, salapi at USB na naglalaman ng maraming detalye nitong Agosto 13 lamang at noong nakaraang Agosto 6 naman ay may natagpuang shabu pero walang naaresto ang pulisya kahit may CCTV doon.
“Tumanyag ang Olongapo sa residenteng si Aika Mojica na pinatay at sinunog sa San Felipe, Zambales na nasundan kaagad ng isang buntis na babae at isang taong gulang na anak nito na pinagtataga sa ulo ng adik na mister,” dagdag ni Boco.