MANILA, Philippines – Posibleng hindi nakabayad ng ransom ang barangay chairman kung kaya’t pinugutan ito ng ulo ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu.
Kinumpirma ni Col. Allan Arrojado, Commander ng Joint Task Group (JTG) Sulu ang pagpugot sa ulo ng biktimang kinilalang si Rodolfo Buligao, Chairman sa Brgy. Aliguay, Dapitan City.
Nabatid na dakong alas- 9:45 ng gabi nitong Martes nang matagpuan ang bangkay ni Buligao sa Brgy. Lunggang, Maimbung, Sulu na walang ulo. Natagpuan ng nagrespondeng mga elemento ng militar at pulisya sa ibabaw ng walang ulo na bangkay ng biktima ang isang papel na may nakasulat na “Rodolfo Buligao, Brgy. Chairman ng Brgy. Aliguay Island, Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Nagsagawa ng search operation ang security forces at sumunod na natagpuan ang ulo ng biktima dakong alas-10:00 ng gabi na itinapon sa di kalayuan sa kinatagpuan ng katawan nito.
Lumilitaw sa imbestigasyon na hindi nakabayad ng P10 milyon ransom ang pamilya ng biktima kaya pinugutan ito ng ulo ng mga bandido.
Si Buligao ay dinukot ng mga bandidong Abu Sayyaf Group kasama ang dalawang miyembro ng PCG na sina SN2 Gringo Villaluz at SN1 Rod Pagaling noong Mayo 4 sa Dapitan City, Zamboanga del Norte kung saan ang mga bihag ay dinala at itinago sa lalawigan ng Sulu.
Sa kasalukuyan, patuloy ang search and rescue operations sa dalawa pang PCG men at iba pang mga bihag ng mga bandido sa Sulu.
Magugunita na nauna nang humingi ng tig P10-M ransom ang mga bandido kapalit ng pagpapalaya sa mga bihag habang noong Hunyo ay nagposte rin ang mga ito sa facebook account ng isang Kupal Lord na ipinakikita ang video footage ng tatlong hostage habang nagmamakaawa sa paghingi ng tulong.