MANILA, Philippines - Nasa P45,000 ang nadukot sa isang 56-anyos na Arabo na pantulong sana nito sa isang Pinoy na naputulan ng binti sa Ermita, Maynila.
Sa salaysay ng biktima na si Anter Slayem Mubarak Salmeen Alnuaimi, negosyante, pansamantalang nakatira sa E-45 Felisea Apartment, Barangay Nueva, San Pedro City, Laguna na dakong alas-8:00 ng gabi ay nagpapalit siya ng dolyar sa isang money changer sa Pedro Gil St., at patungo ng Ronbinson’s mall nang salubungin siya ng tatlong babae.
Mistulang idinuduldol sa kaniya ang mga dibdib nito habang may lima pang babae na kasamahan din nila ang nasa likod naman niya at pinaikutan siya.
Nagtatawanan at hindi naman niya matabig o maitulak dahil mga babae ito hanggang sa magsitakbuhan na papalayo at doon niya napansin na wala na ang kaniyang green na leather wallet na naglalaman ng P45,000.
Sinabi niya na pawang mga nakasuot ng puti at asul na damit ang mga babae at isa rito ang kinilalang si Lani Velasco ng no. 258 Zaragosa St., Tondo, base sa police gallery ng Pedro Gil Police Community Precinct (PCP).
Naibalik naman sa kaniya ang ilang identification cards na napulot umano ng isang Koreano na dinala sa presinto.