Speaker Belmonte may dengue

MANILA, Philippines - Kinumpirma ni House Speaker Feliciano Belmonte na siya ay naka-confined dahil sa nagpositibo sa sakit na dengue matapos na dinala sa St. Lukes Medical Center sa Quezon City noong Lunes ng gabi dahil sa mataas na lagnat at ubo.

Hindi agad nakumpirma sa una na dengue ang sakit nito hanggang kahapon hapon lamang matapos lumabas ang latest lab test nito.

Matatandaan na hindi nakasipot si Belmonte noong Martes sa pagtitipon ng Liberal Party (LP) para kay DILG Sec. Mar Roxas at maging sa event ng Makati Business Club kahapon.

Sinabi naman ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na noon pang Lunes ng umaga masama ang pakiramdam ng kanyang ama subalit nagtuloy tuloy ito sa trabaho kaya lumala ang lagnat nito noong Lunes ng gabi.

Nilinaw naman ng Bise Alkalde na hindi seryoso ang lagay ng kanyang ama at nananatili lamang ito sa ospital para mapangalagaan nang maayos ng mga doktor at inaasahang makakabalik din ito sa trabaho sa lalong madaling panahon.

Show comments